BAGUIO CITY – Pansamantala nang nagsara ang ilang transient houses sa Summer Capital of the Philippines dahil sa patuloy na kakulangan ng suplay ng tubig dulot pa rin ng epekto ng El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Precy Mangibat, isa sa mga transient house ownes sa lungsod ng baguio, ito ang unang pagkakataon na kailangan nilang magsuspendi ng kanilang operasyon dahil sa limitadong suplay ng tubig.
Ayon sa kanya, hindi na nila kayang tumanggap pa ng mga kliente dahil sa takot na maapektuhan ang imahe ng kanilang negosyo lalo na ang kabuoang turismo ng City of Pines dahil wala rin nila kayang ibibigay ang tubig na isa sa mga pangunahing kailangan ng kanilang mga costumer.
Dagdag pa nito na nagiging hamon sa kanila ang mataas na lokasyon ng kanilang establishmento kaya hindi to naabot ng tubig dahil sa mahinang pressure ng tubig mula sa Baguio Water District.
Ayon pa sa kanya, pila ngayon ang serbisyo ng mga water delivery firms at umaabot pa ng hanggang dalawang linggo bago maideliver ang kanilang order.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa P70 hanggang P80 ang presyo ng kada drum ng tubig mula sa mga water delivery firms mula sa dating 40 hanggang 50.
Samantala, sinabi naman ni Engr. Bonifacio dela Peña, City Administrator na gumagawa sila ng paraan para madagdagan ang suplay para sa lungsod.