Ibinunyag ng isang taxi driver na marami na sa kanyang mga kasamahan ang tumigil na sa pamamasada dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Romeo Vicente, isang taxi driver sa lungsod, sinabi niyang ramdam na ramdam na nila ang krisis sa sektor ng transportasyon. Aniya, umaabot na lamang sa P500 ang kanyang kinikita sa isang araw, at minsan ay nauuwi pa sa pagkalugi dahil napupunta lamang sa krudo ang kanilang kita.
Dagdag pa niya, may ilan sa kanilang mga kasamahan ang umuwi na sa kani-kanilang probinsya, habang ang iba naman ay napilitang maghanap ng ibang hanapbuhay tulad ng pagiging karpintero upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ipinahayag din ni Vicente na bagamat may inihahaing subsidiya ang pamahalaan bilang solusyon, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap kahit isang sentimo.
Sa halip, iminungkahi niya na direktang ibigay ang tulong sa mga gasolinahan upang makapagpatupad ng diskuwento, gaya ng hanggang 50 porsiyento, sa presyo ng krudo para sa mga driver. Aniya, makatutulong din ito upang maiwasan ang katiwalian.
Ayon pa sa kanya, kakaunti na lamang ang mga taxi na bumibiyahe sa lungsod. Dahil dito, napapansin nilang dumarami ang mga pasaherong naghihintay sa mga gilid ng kalsada at sa mga terminal.
Sa kabila ng sitwasyon, kinilala rin ni Vicente ang kabutihang-loob ng ilang pasahero na kusang nagdadagdag ng bayad. Aniya, may mga pagkakataong hindi na nila kinukuha ang sukli na P20 o P30 bilang pakikiunawa sa kalagayan ng bawat isa.
Samantala, pabor naman sila sa panukalang pagtaas ng pamasahe sa taxi, ngunit iginiit niyang dapat ding tumaas ang kanilang kita.
Gayunpaman, naniniwala siyang kahit pa itaas ang pasahe ay maaaring hindi pa rin ito magdulot ng pagtaas ng kita, at posibleng lalo pang makaapekto sa mga commuter na hindi naman tumataas ang sahod.











