--Ads--

LAOAG CITY — Kinumpirma ng Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) na nagsagawa na ito ng aksyon kaugnay sa kumakalat na video sa social media na nagpapakita umano ng karahasan na kinasasangkutan ng isang dating Punong Barangay at ilang manggagawa ng isang construction firm sa lungsod.

Sa kanilang opisyal na pahayag, sinabi ng INPPO na inatasan na ang Laoag City Police Station na magsagawa ng masusi, patas, at mabilis na imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente.

Ayon pa sa pulisya, sinusunod ang lahat ng kaukulang legal na proseso upang matiyak ang due process.

Hinikayat din ng pulisya ang mga biktima, saksi, at iba pang may mahalagang impormasyon na makipagtulungan sa imbestigasyon, dahil mahalaga umano ito upang makamit ang hustisya.

Binigyang-diin ng INPPO na walang sinuman ang nakahihigit sa batas, at sinumang mapatunayang may sala ay pananagutin alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.

Tiniyak din ng tanggapan ang kanilang patuloy na commitment sa pagpapatupad ng batas, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng mamamayan ng Ilocos Norte.