Nagpahayag ng reaksyon ang isang imam kaugnay sa mga isyu sa Senado, kasabay ng paggunita sa Eid’l Adha noong Miyerkules, Mayo 27, 2026, kung saan iginiit niya na may mga pangyayaring nakaaapekto umano sa integridad ng institusyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Imam Shams Maba Monib, presidente ng Muslim Community Baguio-Benguet, na may ilang nasa loob mismo ng Senado ang nagiging sanhi ng pagkasira ng imahe nito sa publiko.
Aniya, ito ay batay sa kanyang personal na opinyon at sa naging usapan din ng kanilang komunidad.
Ipinahayag din niya ang paniniwala sa kasabihang ang mga nagbabantay sa isang “mahiwagang balon” ay maaaring sila rin ang dumudungis dito, at iginiit na ang kawalan ng pananagutan at pagkakaisa ay nagdudulot ng pagdududa at pagbaba ng tiwala ng publiko sa Senado.
Dagdag pa niya, nakalulungkot umano na ang mga isyu sa pagitan ng mga opisyal ay nauuwi sa pagkaladkad sa pangalan ng taumbayan.
Samantala, tinatayang 8,000 hanggang 10,000 miyembro ng Muslim community ang lumahok sa Salatul Eid’l Adha sa Melvin Jones Grounds sa Baguio City bilang bahagi ng pagdiriwang ng Feast of Sacrifice.
Sinabi rin ni Imam Monib na tatlong araw ang pagdiriwang ngayong taon, mula Miyerkules hanggang Biyernes, na inilaan para sa panalangin, pagtitipon, at pagpapalalim ng pananampalataya.
Hinimok niya ang Muslim community na manatiling mahinahon at huwag magpadala sa emosyon sa gitna ng mga hamon, at patuloy na ipanalangin ang kapayapaan ng bansa at ang pagpapatibay ng pananampalataya.











