--Ads--

BAGUIO CITY – Nagpapatuloy pa din ang imbestigasyon ng Banaue Municipal Police Station sa pinaggalingan ng P300,000 na halaga ng iligal na droga na una ng nakumpiska sa bayan ng Banaue sa lalawigan ng Ifugao noong nakaraang linggo.

Maalalang ang mga nasabing kontrabando ay kinabibilangan ng 8,228 na gramo ng marijuana na nagkakahala ng higit sa P205,700 at ang higit sa 21 na gramo ng shabu na nagkakahalaga naman ng P105,600.

Ayon kay PCI Ernesto Bekesan, hepe ng Banaue PNP, sa ngayon ay inaalam pa lamang nila kung saan nanggaling ang mga nasabing kontrabando lalo na at nakumpiska lamang ang mga ito sa pamamagitan ng impormasyon na kanilang natanggap sa himpilan ng pulisya sa Mt. Province.

Aniya, galing sa nasabing lalawigan ang sasakyan na kanilang hinarang sa checkpoint at patungo sana ito sa Nueva Viscaya kung saan nila nahuli ang dalawang lalaki at dalawang babae.

Sinabi ni PCI Bekesan na isa sa mga suspek ay tubo ng Mt. Province habang ang tatlo naman sa mga ito ay mula sa Quezon City at Zambales.