--Ads--

BAGUIO CITY – Aabot sa anim na indibidwal o dalawang pamilya ang pansamantalang lumikas matapos bahain ng tubig at putik ang kanilang boarding house sa Purok 8, Balenben, Irisan, Baguio City dakong 6:00 PM kagabi, Abril 27, 2026, kasabay ng malakas na pag-ulan.

Dalawang bahay ang naapektuhan matapos pasukin ng putik, kung saan umabot sa halos apat na talampakan ang naipong lupa sa isang bahagi ng bahay.

Ilan sa mga appliances at iba pang kagamitan ng mga apektadong pamilya ang nasira dahil sa insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa isa sa mga apektado, sinabi nitong kumakain sila nang bigla nilang marinig ang malakas na kalabog sa likurang bahagi ng kanilang tinitirhang bahay.

Sa kanilang inspeksyon, nakita nila ang gumuhong lupa na dulot ng malakas na pag-ulan na nagresulta sa pagbara ng kanal.

Sa kabila nito, wala namang naiulat na nasugatan sa naturang insidente.

Patuloy ngayon ang paglilinis ng mga residente, at agad ding rumesponde at tumulong ang mga awtoridad.//via Bombo Noveh Grace Organo