--Ads--

BAGUIO CITY – Umaasa si 1992 Olympic broze medalist Roel Velasco, na maipapasa ang panukalang batas na magbibigay lifetime monthly pension na humigit-kumulang P15-K sa lahat ng retiradong Filipino Olympians.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Velasco na ikinagagalak niya ang isinusulong na batas na layuning matulungan ang mga retiradong atleta at isang paraan para madagdagan ang kanilang benepisyo at insentibo na kumatawan sa bansa sa Olympics.

Ayon sa kanya, malaking tulong ito dahil makakadagdag ito buwanang gastusin ng mga retiradong Olympians dahil karamihan sa kanila ay wala ng mapupuntahan at mapapasukan na trabaho pagkatapos ng kanilang paglalaro sa Philippine National Team.

Umaasa rin siya na magbibigay ito ng motibasyon o inspirasyon sa mga atleta para pagbutihin ang kanilang pagsanay at ang kanilang layunin na maging kwalipikado sa Paris Olympics, hindi lang sa Asian Games.

Samantala, sinabi ni Velasco na masuwerte ang mga atleta sa pagkakataong ito dahil may mga batas na magbibigay sa kanila ng benepisyo, gayundin na mayroong mga magagaling na coach na handang tumulong sa mga atleta at manglingkod sa bansa

Ang House Bill 3523 ay isinusulong ni dating Olympic swimmer at Batangas 1st District Rep. Eric Buhain na naglalayong magbigay ng habang buhay o lifetime pensiyon sa mga atleta na nasa edad singkwenta pataas.