--Ads--

Ipinamahagi ni Mr. Ruel Padil ang isang trak ng repolyo mula sa mga vegetable farmer sa probinsya ng Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Edith Aspilan, Acting Chief Tourist Police Officer ng BCPO, base sa kanyang pakikipag-usap kay Mr. Ruel, maraming suplay ng repolyo ang dumating kaya bumaba ang presyo nito hanggang ₱4 kada kilo.

Sa halip na i-repack at ibenta ng mga magsasaka, binili na lamang ni Mr. Ruel ang mga ito mula sa mga magsasaka at ipinamahagi sa publiko. Ayon pa sa kanya, ginawa niya ito dahil nakokonsensya siya at upang makatulong sa mga magsasaka na naapektuhan ng mababang presyo ng kanilang ani.

Ayon kay Police Captain Aspilan, kung may labis na suplay ng gulay mula sa trading post, nakikipag-ugnayan si Mr. Ruel sa kanilang opisina upang ipamahagi ang mga ito, tulad ng labanos, broccoli, at ang ipinamahaging repolyo.

Libre ipinamahagi ang bagong aning repolyo sa opisina ng Tourist Police Unit ng Baguio City Police.

Marami rin itong natuwang mga parkgoer, motorista, at iba pang indibidwal na kumuha ng repolyo.