Nananatili sa white alert ang Itogon, Benguet dahil hindi pa gaanong nararanasan sa lugar ang tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Cyril Batcagan, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Itogon, sinabi niyang pabugso-bugso lamang ang ulan sa kanilang bayan—umuuulan at pagkatapos ay humihina o tumitigil—hindi tulad sa Baguio City at ilang bahagi ng La Trinidad, Benguet kung saan mas malakas ang nararanasang pag-ulan.
Ayon kay Batcagan, mahigpit na nilang binabantayan ang mga critical areas na posibleng bahain o makaranas ng landslide kapag lumakas ang ulan. Kabilang dito ang Barangay Virac, bahagi ng Acupan, Poblacion, at Sitio Luneta sa Barangay Loacan.
Dagdag pa niya, nakapuwesto na ang isang backhoe sa Acupan bilang paghahanda sa posibleng pagguho ng lupa.
Binanggit din ni Batcagan ang insidente noong nakaraang buwan kung saan nasawi ang dalawang indibidwal.
Nang tanungin kung paano nila pinalalakas ang monitoring upang maiwasan ang pag-ulit ng mga insidente, sinabi ng opisyal na kinuha nila ang mga cellphone number ng mga presidente ng small-scale mining (SSM) associations upang makapagpadala ng text blast na naglalaman ng mahahalagang abiso at babala.
Bukod dito, nagsasagawa rin ang mga barangay at ang MDRRMO ng “Tangguyob” o information, education, and communication (IEC) campaign sa iba’t ibang bahagi ng bayan upang mapalawak ang kaalaman ng mga residente hinggil sa kahandaan sa sakuna.










