MAKATI CITY — Nagsagawa ng courtesy visit sa Games and Amusements Board (GAB) si reigning ONE Strawweight MMA World Champion Joshua “The Passion” Pacio matapos ang matagumpay niyang pagdepensa sa kanyang world title sa ONE Championship.
Mainit siyang tinanggap ni GAB Chairman Atty. Francisco J. Rivera kasama ang mga opisyal ng GAB Boxing and Other Contact Sports (BOCS) Division bilang pagkilala sa kanyang panibagong tagumpay at ambag sa larangan ng mixed martial arts (MMA) sa Pilipinas.
Matagumpay na naipagtanggol ni Pacio ang kanyang kampeonato matapos talunin ang Russian challenger na si Mansur Malachiev sa pamamagitan ng first-round submission gamit ang rear-naked choke sa ONE Championship: The Inner Circle 21 na ginanap sa Bangkok, Thailand.
Pinuri ni Chairman Rivera si Pacio at ang kanyang koponan sa muling pagdadala ng karangalan sa bansa, at sinabing nagsisilbi itong inspirasyon sa mga kabataang Pilipinong nagnanais na sumunod sa kanyang yapak sa larangan ng combat sports.
Sa kanilang pagbisita, ibinahagi rin ni Pacio at ng kanyang team ang kahalagahan ng siyentipikong pamamaraan ng pagsasanay, wastong nutrisyon, tamang hydration, at makabagong weight-cutting practices upang mapanatili ang mataas na antas ng pagganap habang pinangangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga atleta.
Ayon sa GAB, ang panibagong tagumpay ni Pacio ay higit pang nagpapatibay sa lumalawak na presensya ng Pilipinas sa pandaigdigang mixed martial arts at nagsisilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.











