BAGUIO CITY – Inihayag ngayon ng Commission on Population and Development – Cordillera na ang kahirapan at kakulangan sa edukasyon ang isa sa mga nakikita nilang maaring dahilan kung bakit mataas ang kaso ng teenage pregnancy sa rehiyon Cordillera.
Matatandaan kasi na sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2022, ang rehiyon Cordillera ang nakapagtala ng pinakamataas na puntos sa pagtaas ng kaso ng pagbubuntis ng mga kabataan na may edad labinlima (15) hanggang labinsiyam (19) na mga babae sa buong bansa na umabot sa 6.1 percent, na mas mataas ng 2.6 percentage points mula sa 3.5 percent na naitala noong 2017.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Cecile Basawil, Regional Director ng Commission on Population and Development – Cordillera, sinabi nito mula sa nasabing datus, ang lalawigan ng Benguet ang may pinakamataas na kaso ng teenage pregnancy sa rehiyon na may 454 na kaso; sinundan ito ng Baguio City na may 394; Kalinga na 361; Ifugao na 329; Abra na 328; Mt. Provinvce na 260; at Apayao na 259.
Ayon kay Director Basawil, ang kahirapan at kakulangan sa edukasyon ang isa sa mga nakikita nilang maaring dahilan sa mataas na kaso ng teenage pregnancy sa rehiyon.
Gayunpaman, sinabi ng opisyal na patuloy ang pagsasagawa ng Family Planning Organization of the Philippines (FPOP) na iba’t ibang aktibidad kabilang na ang pagbibigay ng sex education at peer-to-peer education sa mga kabataan para masolusyonan ang nasabing isyu.
Malaki rin aniya ang papel ng Department of Education sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa reproductive health sa pamamagitan ng pagtuturo nito sa mga paaralan lalo na’t isang hamon pa rin ang pagsasagawa ng sex education sa mga tahanan.
Dagdag pa ni Basawil na mahalaga at malaki ang papel ng magulang sa pagbibigay ng mahahalagang kaalaman ukol sa sex education sa kanilang mga anak upang makamit ang zero teenage pregnancy sa rehiyon Cordillera.