Bumuti ang kalagayan ng Baguio City Jail Male Dorm.
Noong Enero 30 ngayong taon, bumaba sa 44.44% ang congestion rate mula sa halos 74% noong nakaraang taon, na may kasalukuyang populasyon na 221 persons deprived of liberty (PDLs).
Karamihan sa mga bilanggo ay sangkot sa mga kaso ng iligal na droga.
Napanatili rin ng Male Dorm ang pagiging drug-free sa tulong ng malapit na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, at inaasahang pormal itong kikilalanin sa susunod na linggo.
Wala ring naitalang pagtakas o marahas na insidente sa mga nakalipas na buwan—isang tagumpay na nagbunga ng iba’t ibang parangal mula sa lungsod at sa BJMP-CAR.
Samantala, nananatiling mataas sa humigit-kumulang 150% ang congestion rate ng Baguio City Jail Female Dorm. Gayunpaman, ayon kay Acting Warden Erlinda A. Las-egan, patuloy pa ring naipatutupad ang mga programa sa edukasyon, kalusugan, kabuhayan, at espirituwalidad sa kabila ng limitadong espasyo.










