BENGUET — Overwhelmed at masaya ang nararamdaman ng kambal na sina Alehandria at Alesandria Pablo matapos silang parehong makapagtapos bilang cum laude sa Bachelor of Science in Nursing sa Benguet State University.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng isa sa kanila na hindi nila inaasahan ang pagkakaroon ng latin honors dahil may mga pagkakataong bumaba umano ang kanilang academic performance. Gayunman, anila, labis ang kanilang pasasalamat sa naging bunga ng kanilang pagsisikap.
Ibinahagi rin ng magkapatid na magkaiba ang kanilang study habits—ang isa ay mas produktibo sa pag-aaral tuwing umaga, habang ang isa naman ay mas epektibo sa gabi.
Ayon pa sa kanila, wala umanong kompetisyon sa pagitan nilang dalawa dahil iisa ang kanilang layunin: ang mapagmalaki ang kanilang mga magulang at makapagtapos ng pag-aaral.
Inilahad din nila ang mga hamon sa kanilang paglalakbay sa kolehiyo, kabilang ang puyat at mabigat na iskedyul ng clinical duties. Bukod sa walong oras na duty, kailangan din nilang tapusin ang mga karagdagang requirement at sabay-sabay na eksaminasyon, na naging bahagi ng kanilang pagsubok bilang mga estudyante ng nursing.
Ayon kay Alehandria, nursing ang kursong kanyang pinili dahil humahanga siya sa uniporme at itinuturing itong isang “fulfilling” na propesyon. Samantala, inamin ni Alesandria na accountancy ang una niyang nais na kunin, ngunit napunta siya sa nursing dahil sa hamon niya sa matematika, bagaman aniya ay mas hindi naman ito kasing komplikado kumpara sa ibang kurso.
Inamin din ng isa sa kanila na nakakapagod ang kanilang kurso, ngunit patuloy silang nagsusumikap dahil para ito sa kanilang mga magulang na kanilang pangunahing inspirasyon sa buhay. Anila, ang suporta at pagtuon ng kanilang pamilya sa kanilang pag-aaral ang nagsilbing lakas nila upang makapagtapos nang may karangalan.










