--Ads--

Ibinasura ng Provincial Prosecutor’s Office ng Benguet ang karamihan sa mga kasong kriminal kaugnay ng marahas na insidente sa pagitan ng mga security guard ng Itogon-Suyoc Resources, Inc. (ISRI) at mga iligal na small-scale miner sa Poblacion, Itogon, Benguet na naganap noong Oktubre 1 ng nakaraang taon, dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya upang maisakdal ang mga akusado.

Sa resolusyong may petsang Disyembre 15, 2025 na inilabas ngayong linggo, ibinasura ng mga tagausig ang mga pangunahing kaso. Gayunman, iniutos ang pagsasampa ng mga minor charges laban sa ilang indibidwal na sangkot sa insidente.

Sumiklab ang kaguluhan habang isinasagawa ang clearing operation sa Barangay Sangilo, Poblacion, Itogon, sa pangunguna ng mga secuirty guard ng nasabing kompanya, bilang pagpapatupad sa utos ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) na ipatigil ang ilegal na pagmimina sa isang geohazard area.

Ayon kay Itogon-Suyoc Resources, Inc. Vice President for Corporate Communications Teresita Pacis, ang mga nagreklamong minero ay pinangunahan ni Glenn Golingab laban sa mga guwardiya at opisyal ng ISRI.

Kabilang sa mga kasong isinampa ng mga minero ang robbery, trespassing, illegal possession of firearm, threats, alarm and scandal, at frustrated homicide. Subalit napag-alaman ng mga piskal na walang sapat na ebidensya upang suportahan ang mga reklamong ito.

Samantala, karamihan din sa mga reklamong inihain ng mga guwardiya ng kumpanya laban sa mga minero ay ibinasura. Gayunpaman, isang minero ang nahaharap sa kasong bahagyang pisikal na pinsala at maltreatment matapos mapatunayang siya ang naging agresibo sa insidente.