Inaasahang maiproproklama sa Agosto 10, 2026 si Atty. Errol Comafay bilang isa sa mga konsehal ng Tabuk City, Kalinga.
Ito ay matapos magdesisyon ang Korte Suprema na hindi siya dapat ma-disqualify bilang kandidato sa pagka-konsehal kaugnay ng isyu sa address na nakasaad sa kanyang Certificate of Candidacy (COC).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Comafay na inilabas ng Korte Suprema ang desisyon noong Enero 2026 at naging pinal ito noong Hulyo 2026. Kasunod nito ay naglabas ang Commission on Elections (Comelec) ng writ of execution na ipatutupad sa Agosto 10.
Ayon sa kanya, bumuo ang Comelec ng isang Special Board of Canvassers na magko-convene sa nasabing petsa upang ipatupad ang desisyon.
Ipinaliwanag ni Comafay na nagsimula ang kaso sa reklamong inihain ng kanyang kalaban sa pulitika, na nagsabing mali umano ang address na inilagay niya sa kanyang COC at hindi ito tumutugma sa kanyang aktuwal na tirahan. Pinaniwalaan umano ito ng Comelec kaya hindi siya idineklarang kwalipikadong kandidato dahil sa isyu ng residency. Gayunman, nanindigan siyang mali ang naging pasya ng Comelec kaya umapela siya sa Korte Suprema, na kalaunan ay nagpasyang walang sapat na batayan upang siya ay ma-disqualify.
Naniniwala si Comafay na “politically motivated” ang petisyong isinampa laban sa kanya, bagama’t hindi niya pinangalanan ang kanyang kalaban sa pulitika.
Ipinahayag din niya ang kanyang labis na kasiyahan sa naging desisyon ng Korte Suprema. Aniya, patunay ito na hindi maaaring hadlangan ng iilang tao ang boses at pasya ng nakararaming botante.
Dagdag pa niya, hindi lamang siya ang nagwagi sa kaso kundi maging ang buong Tabuk City na aniya’y naghahangad ng maayos na pamahalaan at ng pagtigil sa katiwalian sa lokal na pamahalaan.
Nang tanungin kung ano ang mas malalim na dahilan sa likod ng isyu, sinabi ni Comafay na isa siya sa mga matinding kritiko ng katiwalian sa kanilang lugar. Naniniwala siyang may mga taong nangangamba na kapag nakapasok siya sa konseho ay mahihirapan silang maisakatuparan ang mga planong magkamal ng pondo ng bayan.
Samantala, sinabi ni Comafay na isa sa kanyang pangunahing programa kapag nakaupo na sa puwesto ay ang matiyak na maramdaman ng lahat ng barangay ang tunay na benepisyo ng pagiging bahagi ng isang lungsod.
Aniya, matagal nang idineklara bilang lungsod ang Tabuk ngunit marami pa ring barangay ang hindi nararamdaman ang sapat na serbisyo mula sa pamahalaang lungsod. Kabilang sa mga nais niyang pagtuunan ng pansin ang pagpapabuti ng health care, sanitation, at livelihood programs upang maramdaman ng bawat residente ang kaunlaran ng lungsod.
Nagpasalamat din si Comafay sa lahat ng sumuporta at nanalangin para sa kanya. Tiniyak niyang ipagpapatuloy niya ang mga ipinangako niya noong panahon ng kampanya.
Aniya, mananatili siyang tapat sa kanyang mga ipinaglalaban at tututukan ang laban kontra graft and corruption upang maiwasan ang pang-aabuso ng mga opisyal sa pondo ng bayan.
“Dapat awan kuma ti bumaknang a politician gapu iti panagserbina iti gobyerno.”










