--Ads--

Walang naitalang insidente ng pinsala sa mga bahay, landslide, o pagbaha sa La Trinidad, Benguet bunsod ng Bagyong Inday.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Guiller Galwan, Acting Mayor ng La Trinidad, sinabi niyang batay sa patuloy na monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), wala namang naitalang pagbaha sa bayan.

Nang tanungin hinggil sa sitwasyon sa Balili River, sinabi ni Galwan na hindi umabot sa critical level ang lebel ng tubig, gayundin sa Bolo Creek.

Samantala, tiniyak din ng opisyal na walang naganap na pagbaha sa Strawberry Farm. Aniya, malaking tulong ang mga kanal na inilagay sa lugar upang maiwasan ang pag-ipon ng tubig.

Nagpasalamat naman si Galwan sa MENRO dahil sa patuloy na dredging at paglilinis sa Bolo Creek at mga kanal na nakatulong upang mapanatili ang maayos na daloy ng tubig.

Dagdag pa ng alkalde na wala ring naitalang seryosong pinsala sa mga pananim at iba pang agricultural crops sa lugar.