BAGUIO CITY – Nakakonekta na sa internet ang lahat ng 77 munisipalidad sa Cordillera Administrative Region (CAR) sa pamamagitan ng National Backbone Plan (NBP) at GovNet ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ayon sa ahensya.
Sinabi ni DICT-Cordillera Regional Director Jimmicio Daoaten na pinalalakas ng programa ang digital infrastructure ng rehiyon at nagpapabilis sa paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan. Umabot na sa 107 GovNet sites ang naitayo sa rehiyon hanggang Hulyo 2026, na may 99 porsiyentong service uptime.
Aniya, nakakonekta na rin sa internet ang 718 barangay, kabilang ang 284 geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA), habang 365 paaralan ang may internet access upang suportahan ang pag-aaral at komunikasyon lalo na sa panahon ng kalamidad.
Bukod dito, namahagi ang DICT ng 39,753 SIM card na may libreng data sa mga estudyante at kawani ng Department of Education, at nagsagawa ng digital literacy at AI training para sa libu-libong residente, estudyante, at kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Daoaten, patuloy na palalawakin ng pamahalaan ang internet connectivity sa mga liblib na lugar bilang bahagi ng layunin na gawing karapatan ng bawat Pilipino ang internet access.











