BAGUIO CITY — Magpapatupad ang lokal na pamahalaan ng Baguio ng active shooting drills sa iba’t ibang paaralan sa lungsod bilang bahagi ng paghahanda at pagpapalakas ng seguridad ng mga estudyante.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay City Administrator VJ Cawis, sinabi niyang inatasan na ang mga kaukulang ahensya tulad ng Baguio City Police Office (BCPO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), at City Health Services Office upang bumuo ng plano na maaaring ipatupad sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Cawis, hindi magkakapareho ang magiging sistema ng drills dahil magkakaiba ang pisikal na disenyo at istruktura ng mga paaralan sa Baguio, kaya kinakailangang iangkop ang mga hakbang sa bawat lokasyon.
Dagdag pa niya, positibo ang naging pagtanggap at pakikilahok ng mga paaralan sa nasabing plano.











