Nakahanda na umano ang Local Government Unit (LGU) ng Baguio City, partikular na sa usapin ng peace and order at public safety sa Nobyembre 1 at 2, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Benjamin Magalong, sinabi nitong mayroon nang standard at template na ginagamit ang lungsod na napatunayan na umanong epektibo at episyente. Aniya, “Why repair it when it’s not broken?”
Samantala, nang matanong tungkol sa pampublikong sementeryo ng lungsod na halos wala nang mapaglagyan ng mga labi, sinabi ni Magalong na nangangailangan ng matibay na political will ang pagpapatupad ng planong modernisasyon nito.
Aminado ang alkalde na marami ang kumokontra sa plano, ngunit iginiit niyang nais nilang gawing moderno ang pampublikong sementeryo. Mayroon na rin umanong nakalatag na phase-by-phase implementation plan, at kinakailangan na lamang itong maipaliwanag nang maayos sa mga stakeholder.
Isa sa mga hamon na kinakaharap ng LGU ang paghahanap sa mga kaanak ng mga yumao, dahil marami sa kanila ang hindi na naninirahan sa lungsod.
Sa kabila nito, sinabi ni Magalong na may plano na ang pamahalaang lungsod at patuloy nilang kinakausap ang mga pamilya ng mga yumao upang maipaliwanag ang panukalang pagbabago. Binigyang-diin din niyang pag-aari ng lungsod ang pampublikong sementeryo at hindi ito pribadong pag-aari.
Iginiit din ng alkalde na hindi kinakailangang humanap ng panibagong lugar para sa sementeryo dahil maaari itong matugunan sa pamamagitan ng mas maayos na pamamahala at pagpaplano.
Posible rin umanong alisin ang ilang malalaking mausoleo bilang bahagi ng modernisasyon, ngunit sasailalim pa ito sa mga konsultasyon at diyalogo upang maunawaan ng mga apektadong pamilya at stakeholder ang plano ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Magalong, nais niyang maging parang parke ang sementeryo, kung saan maaaring maglakad-lakad ang mga tao at ma-appreciate ang kapaligiran habang binibisita ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.










