--Ads--

Ipinahayag ng Lokal na Pamahalaan ng Kabayan, Benguet sa publiko, lalo na sa mga turista, na ipinagbabawal na ang walk-in visitors sa Mount Pulag tuwing weekend at holidays.


Ayon kay Mayor Rex Guzman Aquisan ng Kabayan, layunin ng hakbang na mapanatili ang carrying capacity ng bundok na nasa 600 bisita bawat araw. Dagdag pa niya, ito rin ay upang mabawasan ang negatibong epekto ng pagdagsa ng turista sa naturang protected area.


Ipinunto ng alkalde na suportado rin ng mga komunidad sa paligid ng Mount Pulag ang naturang polisiya, dahil nakikita nilang mahalaga ang pangangalaga sa kalikasan para sa pangmatagalang kabuhayan.


Hinikayat din ng LGU ang mga turista na magpa-reserve ng slot nang maaga, partikular sa pamamagitan ng mga accredited tour organizers, habang maaari namang bumisita bilang walk-in tuwing weekdays.


Binigyang-diin din ng opisyal na prayoridad ng pamahalaan ang proteksyon ng Mount Pulag, na isa ring pangunahing pinagmumulan ng kabuhayan ng mga residente sa Kabayan.


Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng gasolina na nakaapekto sa bilang ng turista, patuloy pa rin ang pagdating ng mga bisita lalo na tuwing weekends at holidays, bagaman nananatiling mas malakas ang sektor ng agrikultura bilang pangunahing tagapag-ambag sa lokal na ekonomiya.