--Ads--

Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ang mga posibleng hakbang kaugnay ng planong pag-takeover sa pamamahala ng Baguio Center Mall pagsapit ng taong 2028, upang matiyak ang tuloy-tuloy at maayos na operasyon nito, at makatulong sa pag-unlad ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs).

Ayon kay City Budget Officer Leticia Clemente, nakatanggap ang lungsod ng mungkahi mula sa kasalukuyang mall management na ipagpatuloy nila ang pamamahala, ngunit ito ay sasailalim pa sa masusing pagsusuri ng local finance committee.

Sinabi rin ni Clemente na sinimulan na ng lungsod ang pagrepaso sa pamamahala at operasyon ng mall, lalo na’t inaasahang mapapasa sa lokal na pamahalaan ang kontrol nito sa 2028, kasunod ng pagtatapos ng limang taong lease contract ng Maharlika Livelihood Center mula sa Human Settlements Development Corporation.

Dahil nasa sentro ng Lungsod ng Baguio ang Baguio Center Mall, isinasaalang-alang ng pamahalaang lokal ang mahalagang papel nito sa ekonomiya at sa kabuhayan ng mga negosyante sa hinaharap.

Matatandaang ang naturang mall ay isa sa mga unang high-rise na gusali na naitayo matapos ang lindol noong Hulyo 16, 1990 na nagdulot ng malawakang pinsala sa lungsod.

Umaasa si Clemente na makabubuo ang local finance committee ng angkop na mga patakaran para sa magiging pamamahala ng mall.

Samantala, patuloy pa rin ang pagsusuri sa mungkahing manatili ang kasalukuyang operator upang matiyak kung ano ang higit na makabubuti para sa lungsod.