--Ads--

BAGUIO CITY – Hinihikayat ngayon ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Baguio ang mga residente nito na makiisa sa Earth Hour 2024 mamayang gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Bonifacio Dela Pena, Baguio City Administrator, mahalagang suportahan ng publiko ang isang oras na pagpatay ng kanilang ilaw mula alas ocho y media hanggang alas nuebe y media mamayang gabi dahil malaking tulong ang nagagawa nito sa pagprotekta sa ating kalikasan at planeta.

Gayun man, sinabi nito na walang pormal na programa na isasagawa ng lokal na pamahalaan ng City of Pines ukol sa earth hour ngayong gabi.

Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na papatayin ang mga ilaw sa karamihang bahagi ng lungsod pero mananatiling bukas ang ilan dito lalo na sa mga pasyalan para sa kaligtasan ng mga turista.

Inaasahan ding makikiisa ang iba’t ibang ahensiya at malalaking establishimento dito sa Summer Capital of the Philippines.