--Ads--

Nakapagtala ng mga hindi pagkakatugma sa listahan ng mga driver na isinumite ng transport network companies (TNCs) at motorcycle taxi operators sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ginagamit ng dalawang ahensiya ang mga listahang ito para sa pagpapatupad ng financial assistance programs para sa mga PUV driver, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa tensyon sa Middle East.

Ayon kay LTFRB Assistant Secretary Vigor Mendoza, malaki ang diperensya ng mga datos na isinumite sa LTFRB kumpara sa DSWD.

Dagdag niya, posibleng may mga kasama sa listahan na hindi na aktibo o dating mga driver na kaya nagdulot ng hindi pagkakatugma ng datos.

Sinabi rin niya na iimbestigahan ng LTFRB ang pinagmulan ng discrepancy upang malaman ang dahilan ng pagkakaiba.

Sa usapin ng posibleng Senate inquiry, ipinaliwanag ni Mendoza na ang LTFRB ay tradisyunal na nagtatala ng mga operator at hindi ng mga indibidwal na driver, at kamakailan lamang nagsimula ang paggawa ng centralized driver database sa kasalukuyang administrasyon.