--Ads--

Nalulungkot umano ang LTOP sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala pa umanong krisis sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Orlando Marquez, national president ng LTOP, kinuwestiyon niya kung hindi ba maituturing na krisis ang P107 na presyo ng krudo, na mas mataas kumpara sa dating P51–P52 kada litro ng gasolina.

Inihayag niya na hindi lamang sila nabigla, kundi nanlumo rin, dahil imbes na madagdagan ang pambili ng bigas ng mga tsuper, lalo pa umano itong nawala.

Dahil dito, at sa kawalan ng sapat na kita, mas makabubuti umano para sa kanila na tumigil muna sa pamamasada. Marami na rin umanong tsuper sa Maynila ang huminto at naghanap ng ibang trabaho matapos ang pahayag na wala pang krisis at ang umano’y pagbawi ni Pangulong Marcos Jr.

Ayon pa sa kanya, aabot na sa 90% ng kanilang hanay ang sumisigaw ng tigil-pasada.

Sa kabila nito, iginiit nilang iginagalang pa rin nila ang Pangulo at naniniwalang siya pa rin ang makatutulong at makapagreresolba sa problema. Gayunpaman, kung hindi umano ito maaaksyunan, posibleng matuloy ang tigil-pasada. Dagdag pa niya, ayaw nilang ihinto ang pagbibigay-serbisyo sa publiko, ngunit kung wala rin lang kikitain, mapipilitan silang tumigil.

Samantala, hiniling ni Marquez na ideklara ng Pangulo ang pagsuspinde o pagbawas sa excise tax sa mga produktong petrolyo. Aniya, inaprubahan na umano ng Senado at Kamara ang panukalang magbigay ng special o emergency powers sa Pangulo.