--Ads--

BAGUIO CITY – Nilinaw ni City Environment and Parks Management Officer Rhenan Diwas na nagkakahalaga lamang ng humigit-kumulang ₱100 milyon ang rehabilitasyon ng Burnham Lake at hindi ₱400 milyon gaya ng lumabas sa ilang talakayan.

Ayon kay Diwas, nakatuon ang proyekto sa pagpigil sa pagpasok ng putik, banlik, at basura sa lawa sa pamamagitan ng pagsasaayos ng lake walls at drainage system. Hindi isinagawa ang dredging matapos irekomenda ng mga teknikal na pag-aaral na hindi ito angkop.

Bagama’t hindi kasama sa proyekto ang mga makabagong aeration at filtration system dahil sa kakulangan ng pondo, sinabi niyang patuloy na gumagawa ng hakbang ang lungsod upang mapabuti ang kalidad ng tubig, kabilang ang biotechnology treatment kada tatlong buwan at pagdaragdag ng mga aquatic species na kumakain ng algae.

Inihayag din ni Diwas na magtatayo ang lungsod ng underground water impounding facility na ikokonekta sa Burnham Lake bilang bahagi ng pangmatagalang plano sa pangangalaga sa lawa at ng Burnham Park Master Development Plan.