--Ads--

BAGUIO CITY – Pinaglalamayan na ngayon ang mag-ama na nasawi matapos mabiktima ang mga ito ng gas poisoning sa Loacan, Itogon, Benguet.

Kinilala ng Itogon Municipal Police Station ang mga biktima na sina Flores Esnada Lampacan, 59-anyos at Lharson Ambros Lampacan, 32-anyos at residente ng Baguio Gold, Tuding, Itogon, Benguet.

Sinabi ng pulis na posibleng nangyari ang insidente noong Hunyo 2 o Hunyo 3 kung saan nagtungo ang mag-ama sa pinangyarihan ng insidente para linisin ang kanilang water impounding pond.

Nililinisan umano ng mag-ama ang nasabing water impounding pond nang malason ang mga ito dahil sa cyanide.

Natagpuan na lamang ang bangkay ng dalawa kahapon nang magtungo sa nasabing lugar ang dalawang residente doon.

Tumanggi naman ang pamilya ng mag-ama na isailalim ang mga ito sa otopsiya.