--Ads--

BAGUIO CITY — Isang magnitude 4.5 na lindol ang yumanig sa Benguet at mga karatig-lugar dakong alas-2:33 ng hapon nitong Hulyo 9, 2026, na nagdulot ng malakas na pagyanig sa Baguio City at pansamantalang paglikas ng mga empleyado, estudyante, at residente.

Ayon sa Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS), naitala ang sentro ng lindol sa Tuba, Benguet, may lalim na 10 kilometro at tumagal ng humigit-kumulang 14 segundo ang pagyanig.

Naitala ang Intensity V sa Baguio City at Benguet, na nangangahulugang malakas na pagyanig na karaniwang nararamdaman ng karamihan sa loob at labas ng mga gusali. Naitala rin ang Intensity IV sa Aringay, La Union; Intensity III sa Sison, Pangasinan; Intensity II sa Urdaneta, Pangasinan; at Intensity I sa Cuyapo at Lingayen, Pangasinan.

Agad na inilikas ang mga estudyante, guro, at kawani ng UP Baguio at ibang paaralan sa lungsod bilang pag-iingat matapos maramdaman ang lindol. Lumabas din ng kanilang mga pinagtatrabahuhan ang mga empleyado sa iba’t ibang establisimyento sa Baguio City.

Sa Baguio City Hall, pinayagan nang makabalik sa trabaho ang mga empleyado at bisita matapos ideklarang ligtas ang gusali ni City Disaster Risk Reduction and Management Officer Engr. Charles Bryan Carame kasunod ng isinagawang inspeksyon.

Samantala, sinuspinde ng Pamahalaang Bayan ng La Trinidad ang trabaho sa munisipyo at ang mga klase sa lahat ng antas, sa pampubliko at pribadong paaralan, simula alas-3:00 ng hapon bilang pag-iingat matapos ang lindol. Pinayuhan din ang publiko na mag-ingat sa kanilang pag-uwi. Inaasahang maglalabas ng kaukulang Executive Order ang lokal na pamahalaan.