--Ads--

Handa na ang Baguio City Police Office para sa 2025 Bar Examination na gaganapin sa Setyembre 7, 10, at 14 sa Saint Louis University, dito sa Baguio City.


Ayon kay Police Major Marcy Marron, tagapagsalita ng Baguio City Police Office, aabot sa 135 na pulis ang ide-deploy sa paligid ng testing venue at sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang matiyak ang kaayusan at seguridad.


Kaugnay nito, nakipagpulong na kahapon ang Baguio City Police Office sa mga kawani at security officer ng Korte Suprema upang plantsahin ang deployment plan, traffic advisory, at iba pang security measures para sa nasabing pagsusulit.

Samantala, batay sa pinakahuling datos mula sa Supreme Court, nasa 12,114 na examinees ang rehistrado para sa 2025 Bar Examination sa buong bansa — mas mataas kumpara sa 10,504 examinees noong nakaraang taon.


Mula sa kabuuang bilang na ito, 1,381 examinees ang nakatakdang kumuha ng bar exam sa Saint Louis University dito sa Baguio City.


Aabot sa labing-apat (14) na local testing centers ang magsisilbing venue para sa 2025 Bar Examination sa buong bansa. Sa Luzon, kabilang dito ang Saint Louis University sa Baguio City at University of Nueva Caceres sa Naga City, Camarines Sur.


Matatandaang noong nakaraang taon ay ginanap din ang Bar Examination sa Saint Louis University kung saan 1,158 examinees ang lumahok, at isinagawa rin ito sa buwan ng Setyembre.