Umabot na sa hindi bababa sa 235 ang nasawi habang mahigit 1,500 ang nasugatan matapos yanigin ng dalawang malalakas na lindol na may magnitudes 7.2 at 7.5 ang hilagang bahagi ng Venezuela.
Patuloy ang search and rescue operations sa mga gusaling gumuho, kung saan marami pang pinaniniwalaang nakabaon sa mga guho. Sa ilang lugar, narinig pa ang paghingi ng saklolo ng mga biktima, ngunit nahirapan ang mga rescuer dahil sa kakulangan ng kagamitan at tauhan.
Idineklara ng pamahalaan ang La Guaira bilang disaster zone, habang patuloy na nararanasan ang mga aftershock na nagpapahirap sa relief at rescue operations.
Nagpaabot na rin ng tulong ang ilang bansa kabilang ang Switzerland, Spain, France, Portugal, Mexico, China, India, Brazil, at Estados Unidos, na nagpadala ng rescue teams, kagamitan, at ayuda. Nangako rin ang United Nations ng suporta sa Venezuela.
Ayon sa mga awtoridad, ito ang pinakamalakas na lindol na tumama sa bansa sa loob ng 126 na taon. Naramdaman din ang pagyanig sa Colombia at Brazil.










