--Ads--

BAGUIO CITY – Handang-handa ng sumabak ang mga delegasyon ng rehiyon Cordillera sa inaaabangang Palarong Pambansa na gaganapin sa Cebu City mula Hulyo a sais hanggang Hulyo dise siete ng kasalukuyang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Estela Cariño, Regional Director ng Department of Education (DepEd)- Cordillera, nasa mahigit pitong daang atleta at coaches mula sa rehiyon ang ipapadala sa Palarong Pambansa.

Umaasa si Cariño na magiging maganda ang performance ng mga atleta dahil lahat ng mga laro ay sasalihan ng Team Cordillera.

Aniya, tuloy tuloy parin ang pag-iinsayo ng mga atleta at coaches sa pangunguna ng mga school division offices ng bawat probinsia para maihanda at makondisyon ang mga ito bago ang competition proper.

Inihayag ni Cariño na wala nang poproblemahin ang mga player at coaching staff dahil nakahanda na ang kanilang uniporme at plane ticket.

Una nang binisita ng Department of Education (DepEd) – Cordillera ang Cebu City para personal na tignan at inspeksyunin ang mga paaralan na magsisilbing tahanan ng mga atleta sa mahigit dalawang linggo na kompetisyon.

Matatandaan na nasungkit ng Cordillera Administrative Region ang ika-siyam na pwesto sa 2023 Palarong Pambansa na naganap sa Marikina City.

Ito ay matapos makakuha ang team Cordillera ng labing pitong gold, labing pitong silver at labing apat na bronze medal o kabuuang apatnapu’t walo na medalya.