--Ads--

Mahigpit na ngayon ang ipinapatupad na seguridad sa Estados Unidos, partikular sa mga lugar na pinupuntahan ni United States President Donald Trump, kasunod ng asasinasyon ng kanyang kaalyado.


Kabilang dito ang Pentagon, isa sa pinakamalalaking gusali sa mundo at headquarter ng United States Department of Defense, na kinabibilangan ng United States Army, Navy, at Air Force, kung saan nagtungo si Trump upang gunitain ang ika-dalawamput apat na anibersaryo ng September 11, 2001 attacks.

Ayon sa mga ulat mula sa international media, mas pinaghigpitan ang seguridad sa bawat venue na pupuntahan ni Trump, kabilang na ang mga political rallies at opisyal na pagdalo sa events sa iba’t ibang estado ng Amerika.


Ito ay kasunod ng asasinasyon kay Charlie Kirk, isang conservative youth activist at kaalyado ni Trump, sa isang unibersidad sa Utah kahapon. Patuloy pa rin ang paghahanap sa suspek sa pamamaslang.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jun Delfrado Villanueva, Bombo International News Correspondent, sinabi niyang mas mahigpit na ngayon ang seguridad sa paligid ni Trump at sa iba pang opisyal sa Estados Unidos.


Inalala ni Villanueva ang mga nakaraang tangkang pag-atake kay Trump noong panahon ng United States Presidential Election, kabilang ang insidente noong Hulyo trese, noong nakaraang taon, sa Butler, Pennsylvania, kung saan tinangkang patayin si Trump gamit ang AR-15-style na baril at nasugatan ang ilang tao bago mapigilan ang suspek.

Kasunod nito, isang tangkang pag-atake ang naitala noong Setyembre 15, 2024, sa Trump International Golf Club sa Florida, kung saan nahuli ang suspek bago ang pagtakas nito. Ang paglilitis sa huling kaso ay nagsimula kahapon, Setyembre 11, sa Fort Pierce, Florida.