Umaaray na ang ilang maliliit na negosyante sa Baguio City dahil sa matumal na negosyo bunsod ng kakaunting turista, na iniuugnay sa mataas na presyo ng langis.
Bukod dito, dumaranas din ang mga negosyo sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na lalo pang nagpapabigat sa kanilang gastusin.
Kapansin-pansin din ang pagbaba ng bilang ng mga bisita sa Lion’s Head sa Kennon Road kumpara sa mga nakaraang Semana Santa. Ayon sa mga ulat, bukod sa mataas na presyo ng gasolina dulot ng tensyon sa Middle East, mahigpit ding ipinatutupad ang no-parking policy sa lugar alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang maiwasan ang trapiko.
Bagama’t may mga itinalagang parking area malapit sa Lion’s Head, hindi na pinapayagan ang mga motorista na pumarada sa kalsada kapag puno na ang mga ito.
Dahil dito, malaki ang ibinaba ng kita ng mga souvenir at gift shop, kung saan umaabot na lamang sa P200 hanggang P350 kada araw ang kinikita—halagang hindi sapat para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ayon sa isang souvenir vendor, may mga araw na wala silang benta kaya hirap silang kumita.
Kinikilala naman ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon at sinabing pinag-aaralan ang pagbibigay ng tax relief at interest-free loan upang makatulong sa mga apektadong negosyante.
Sa kabila nito, naghanda na rin ang lungsod sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mahigit isang libong tauhan sa iba’t ibang lugar para sa summer season. Umaasa pa rin ang lokal na pamahalaan na dadami ang mga bisita simula Huwebes.











