--Ads--

Inihayag ni Police Colonel Ledon D. Monte, Deputy Regional Director for Operations (DRDO) ng PRO-CAR at Officer-in-Charge ng Benguet Police Office ng Police Regional Office–Cordillera, na nasa 80% cleared sites na ang tatlong munisipalidad sa lalawigan ng Benguet na kinabibilangan ng Kibungan, Bakun, at Kapangan, na dati ay natukoy na may maraming marijuana plantation sites.

Ayon kay Police Colonel Monte, kung ihahambing noong unang ipinatupad ang “Oplan Ultimate Grasscutter” sa lalawigan, mas marami noon ang na-eeradicate na mga tanim at plantasyon ng marijuana. Sa kasalukuyan, aniya, iilan na lamang o maliliit na taniman ang natatagpuan.

Dagdag pa niya, bihira na rin ang nakikitang mga seedling sa mga lugar na ito.

Sinabi rin ng opisyal na posibleng ang mga nawasak na fully grown marijuana plants ay naitanim pa noong Disyembre o Enero.

Samantala, bilang Deputy Regional Director for Operations ng Police Regional Office–Cordillera, sinabi ni Police Colonel Monte na buong rehiyon ng Cordillera ang kanilang mino-monitor, ngunit nakatuon sila sa tinatawag na “gravity centers,” na kinabibilangan ng tatlong nabanggit na munisipalidad.

Idinagdag pa niya na bukod sa mga ito, may naitala rin silang mga taniman sa mga boundary areas, kabilang ang hangganan ng Tinglayan at Sadanga, at iba pang kalapit na lugar.