--Ads--

PHILIPPINES – Natukoy na ang utak sa likod ng pagpaslang sa Pampanga pageant contestant na si Geneva Lopez at sa kanyang Israeli boyfriend na si Yitshak Cohen.

Ayon sa pinakahuling imbestigasyon, si Michael Guiang, isang dating pulis, ang mastermind ng nasabing pagpatay.

Nakipagsabwatan din umano siya sa kaparehong pulis na si Rommel Abuso, at sibilyan na si Jeffrey Santos.

Sina Guiang at Abuso din umano ang bumaril kina Lopez at Cohen.

Ayon kay Philippine National Police spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, motibo ni Guiang na patayin ang dalawa dahil sa kaniya sila makikipagtagpo.

Kung saan balak niyang bawiin ang isinangla niyang lupa na pagmamay-ari na ni Geneva.

Napag-alaman lamang ito matapos sumuko si “Alyas Junjun”, ang nagsunog at nagmaneho sa sasakyan na kinaroroonan ng magkasintahan.

Ayon kay “Alyas Junjun”, nagulat lang daw siya nang makita ang dalawang bangkay sa sasakyan at nalaman na lamang niya ang mga suspek sa pamamagitan ni “Alyas ​​Dondon” habang naghahanap umano sila ng mekaniko noong Hunyo 21 din.

Bukod dito, tatlo pang persons of interest ang pinaghahanap ng kinauukulan kung saan dalawa sa kanila ang hinihinalang sangkot sa pagpaplano ng krimen habang ang isa ay ang naghukay ng lupa kung saan nailibing ang mga bangkay ni Lopez at Cohen.

Samantala, sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) director Maj. Gen. Leo Francisco na land dispute ang dahilan ng pagpatay sa mga biktima.

Nakatakda na ring magsampa ng reklamo ang ahensya laban sa mga persons of interest.

Nakatakdang ilibing ang cremated body ni Lopez ngayong araw, Hulyo 12 habang ang bangkay ni Cohen ay iniuwi na pabalik sa Tel Aviv, Israel noong Hulyo 10.