BAGUIO CITY – Tagumpay ang pagbabalik sa SEA Games ng judoka fighter na si Estie Gay Dulnuan Liwanen mula Kiangan, Ifugao matapos mapanalunan nito ang kauna-unahang gold medal ng mga Cordilleran athletes na nakikibahagi ngayon sa nasabing biennial event na ginaganap dito sa bansa.
Nakuha ni Liwanen ang gold medal sa female 63kg category ng kurash na isang variant ng wrestling styles sa Central Asia kung saan gumagamit ang mga kurash wrestlers ng towels para hawakan at kontrolin ang kanilang mga kalaban at talo ang unang matutumba.
Tinalo ng dating jiujitsu at judo athlete ang mga nakaharap nitong mga atleta ng Vietnam at Thailand sa kabila ng matagal niyang pagkawala sa SEA Games.
Ayon sa kanya, noong 2007 ang kanyang huling laban sa SEA Games kung saan bronze medalist siya sa judo gaya noong 2005.
Sinabi ng 37-anyos 2019 SEA Games gold medalist na kababalik lamang niya sa sports noong nakaraang taon matapos huminto muna sa pagtutuk sa sports para mag-aral noong 2009.
Inamin nito na naging challenge sa naging laro niya sa kurash ang transition niya mula sa grappling kung saan sa judu ay gawain niyang hawakan ang trousers o pantalon ng kalaban.
Dahil iba aniya ang rules sa kurash kung saan bawal humawak sa pantalon, napenalty siya at nagka-iskor ang Vietnam dahil hinawakan niya ang pantalon nito.
Dinagdag niya na bawat laro niya ay kanyang inisip na dapat siya ang manalo na siyang nagbigay ng lakas sa kanya.
Pinasasalamatan din ni Liwanen ang sports dahil lahat ng nakukuha o nakakamit niya ay dahil sa sports kung saan ibinahagi niya na napamahal sa kanya ang pagiging atleta at hindi niya alam ang magiging buhay niya kung wala na siya sa sports.