--Ads--

Umaapela ang isang indibidwal matapos mawalan ng wallet sa labas ng Immanuel Grocery sa Km5, La Trinidad, Benguet, alas onse ng umaga kahapon, Agosto 11.

Ayon sa salaysay ng may-ari, kagagaling lamang niya sa dental clinic at dumaan sa grocery upang mamili ng kaunting kailangan.

Matapos mamili at habang nasa may cashier na, pansamantalang lumabas ang biktima upang dumura dahil sa discomfort mula sa kanyang dental procedure.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nahulog ang kanyang wallet sa labas ng establisyemento.

Sa CCTV footage, isang lalaki ang mabilis na pumulot ng wallet at agad na sumilip sa loob nito. Ayon sa may-ari, may malaking halaga ng pera at mahahalagang dokumento gaya ng mga valid ID ang laman nito.

Nanawagan ito sa publiko na kung sino man ang may impormasyon ukol sa pagkakakilanlan ng lalaki o kung may nakakakilala sa kanya, ay agad silang i-message.

Umaasa silang maibabalik pa rin ang mga importanteng dokumento.//Bombo Cara Sacyaten