--Ads--

Nagbigay ng babala si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa mga gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga sa lungsod kasunod ng serye ng anti-illegal drug operations kung saan maraming high-value individuals ang naaresto.

Sa panayam ng media kaninang umaga, hinikayat niya ang mga sangkot na umalis na sa lungsod upang maiwasan ang mas mabigat na kahihinatnan.

Ayon sa alkalde, hindi siya naniniwalang may mga barangay sa Baguio na tuluyang drug-free.

Inamin din niya na tumaas ang bilang ng mga kaso ng ilegal na droga, ngunit hindi naman ito umabot sa kritikal na antas.

Dahil dito, iniutos na niya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang mas pinaigting at tuloy-tuloy na operasyon laban sa ilegal na droga.

Dagdag pa niya, bagama’t maituturing na relatibong maayos ang sitwasyon ng droga sa lungsod, hindi na ito katulad ng dati dahil may mga muling bumabalik.

Kaugnay nito, pinayuhan niya ang PDEA na ipagpatuloy ang kanilang operasyon, habang inatasan naman ang PNP na magsagawa ng pagsusuri sa lawak ng drug affectation. Nakipag-ugnayan na rin siya sa regional director hinggil sa usapin.