BAGUIO CITY – Muling pinaalalahanan ni Mayor Benjamin Magalong ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal sa lungsod ang operasyon ng mga permanenteng cement batching plant at pansamantalang street mixing sites dahil sa masamang epekto ng mga ito sa kapaligiran.
Ang pagbabawal ay nakasaad sa Ordinansa Blg. 43, Serye ng 2007 o Anti-Batching Plant Ordinance, gayundin sa Ordinansa Blg. 2, Serye ng 2012, na inamyendahan ng Ordinansa Blg. 4, Serye ng 2015. Ang sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng P5,000 at ipasara ang kanilang operasyon.
Hinikayat ni Magalong ang publiko na iulat sa City Permits and Licensing Office (CPLO) ang anumang iligal na batching plant o job mix activities upang agad na maaksyunan.
Ayon sa alkalde, ang mga batching plant ay pinagmumulan ng polusyon sa hangin, ingay at tubig na maaaring makasama sa kalusugan ng mga residente at mga bumibisita sa lungsod.
Matatandaang ipinasara ng pamahalaang panlungsod ang isang malaking batching plant sa Camp 7 sa tulong ng City Mayor’s Office, City Environment and Parks Management Office (CEPMO), at iba pang task force.
Ipinatupad ang pagbabawal sa mga cement batching plant noong 2007 bilang hakbang upang mapangalagaan ang kalikasan ng Baguio laban sa polusyon na dulot ng produksyon ng semento.











