--Ads--

Iginiit ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na hindi likas na corrupt ang solid waste management sa lahat ng lokal na pamahalaan, kasunod ng pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naging pagkakakitaan umano ng ilang LGU ang pamamahala ng basura.

Ayon kay Magalong, may mga lugar na sangkot sa katiwalian ngunit hindi tama na sabihing iisang LGU lamang ang walang korapsyon sa waste management. Kabilang umano sa mga maayos na nagpapatakbo nito ang Baguio City at Pasig City.

Binanggit ni Magalong ang mga umano’y kickback scheme na umaabot sa 27% hanggang 30% kada transaksyon, habang sinabi niyang mahigpit na ipinagbabawal sa Baguio ang ganitong gawain.

Tinatayang 550 tonelada ng basura ang nalilikha sa lungsod bawat araw, kung saan nasa 300 tonelada ang kinokolekta ng General Services Office. Sa mga ito, nasa 230 hanggang 250 tonelada ang residual waste na kailangang ilabas ng lungsod para sa disposal sa mga sanitary landfill sa mga kalapit na lugar.