BAGUIO CITY – Inaasahang dadalo ang isang daang katao sa kauna-unahang “Paella a la Cordillera” bilang highlight ng pagtatapos ng Farmers and Fisherfolks month sa rehiyon Cordillera.
Gaganapin ang naturang aktibidad sa Melvin Jones Granstand sa Burnham Park, Baguio City sa Mayo 30 ngayong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Jonathan Llanes, Information Officer ng Department of Agriculture – Cordillera, ang “Paella a la Cordillera” ay mahalagang aktibidad dahil dito maitatampok ang mga kakaibang produkto ng rehiyon tulad ng heirloom rice, pinuneg, etag, kiniing o smoked meat, native chicken meat at mga high value products gaya ng mga gulay.
Ayon kay Llanes, walong daang hanggang isang libong katao ang inaasahang makakatikim ng ibat-ibang mga pagkain sa “Paella a la Cordillera” na ihahanda ng mga kilalang chef mula sa lungsod ng Baguio, Metro Manila at iba’t ibang lugar sa bansa.
Sinabi pa ng opisyal na maipapakilala rin sa “Paella a la Cordillera” ang kakaibang heirloom rice ng rehiyon, isang uri ng bigas na puno ng sustansya kumpara sa commercialized rice na isang beses lamang sa isang taon maani at karaniwang nagmumula sa probinsiya ng Benguet, Ifugao, Mt. Province at Kalinga.