--Ads--

BAGUIO CITY – Kakaiba ang ginanap na Search for Miss Tadian o Anap di Bangan di Tadian sa Mt. Province dahil konserbatibo ang pagpili sa mga nanalo sa beauty pageant.

Ayon sa organizer ng aktibidad, naiiba ang kanilang ginawa dahil sa halip na magtagisan sa kasuotan ay nagtanim ng palay at mga puno ang sampung kandidata.

Aniya, iba’t iba pang mga katutubong aktibidad ang ginawa ng mga kandidata na kaiba sa nakasanayang mga beauty pageants.

Nakoronahan naman bilang Bangan 2017 si Joy Perez, 18 na residente ng Barangay Poblacion.

Ang nasabing pageant ay bahagi pa rin ng selebrasyon ng ika-siyam na Ayyoweng di Lambak ed Tadian Festival kung saan, iba’t iba din mga katutubong aktibidad ang isinagawa tulad ng “bahagketball” o ang pagsusuot ng mga kalahok ng bahag habang naglalaro ng basketball.

Ang tema ng festividad ay “Payew, Puon Di Agyon ay Kaugalian, Laing ya Pammati ken Kabunian, Baked Di Simbayan.”