BAGUIO CITY – Magiging simple lamang ang pagdiriwang na gagawin ng mga Muslim sa lungsod ng Baguio sa pagtatapos ng Ramadan o Eid’l Fitr.
Ayon kay Imam Samsodin Monib, lider ng Muslim community sa lungsod, pagkatapos ng isasagawa nilang misa ay magkaroon ng kunting salo-salo ang bawat pamilya upang kahit papaano ay mapasaya nila ang mga bata.
Inamin niya na ramdam pa rin nila ang sakit sa sinapit ng kanilang mga kapatid na Muslim sa Marawi City na magdiriwang ng Eid’l Fitr sa mga evacuation centers.
Sinabi pa niya na ilang pamilya ang naghiwa-hiwalay at napadpad sa iba’t ibang evacuation centers kung saan, hindi sila sama-sama sa pagdiriwang ng nasabing piyesta.
Umaasa naman ang Imam na matauhan na ang mga kasapi ng teroristang grupo at tuldokan na nila ang ginagawa nilang karahasan.
Umapela pa ito sa hindi paggamit ng teroristang grupo sa relihiyong Islam dahil ang kanilang panggugulo ay taliwas sa landas ng tunay na Islam na naghahangad ng ikakaganda o ikakatahimik ng taong bayan.