--Ads--

Hinimok ng isang opisyal ng City Planning and Development Office o CPDO ang mga kapwa kawani at opisyal ng lungsod na piliing maging mabuti at gawin ang tama sa lahat ng oras bilang bahagi ng tunay na diwa ng serbisyo publiko.

Sa kanyang mensahe sa flag-raising ceremony noong Abril 27, sinabi ni Assistant City Planning Officer Engr. Elias Aoanan na mahalaga ang kabutihan at integridad sa pagbibigay-serbisyo sa mamamayan.

Ayon kay Aoanan, ang kabutihan ay hindi lamang simpleng pagiging mabait kundi pagpapakita ng respeto, malasakit, at pasensya sa kapwa—maging ito man ay katrabaho o mamamayang humihingi ng tulong.

Binigyang-diin din niya na ang paggawa ng tama ay nangangahulugan ng pagiging tapat, makatarungan, at responsable kahit walang nakakakita.

Dagdag pa niya, ang pagsasama ng kabutihan at integridad ang susi sa makatao at makatarungang serbisyo publiko.

Pinaalalahanan din niya ang mga empleyado na sila ang nagsisilbing mukha ng pamahalaan at may malaking papel sa pagpapatibay ng tiwala at pag-asa ng publiko.