ITOGON, Benguet – Humihingi ng tulong at permanenteng relocation site ang ilang pamilyang apektado ng landslide sa Hartwell, Ampucao, Itogon, Benguet.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Aileen Gabino, sinabi niyang patuloy na gumagalaw ang landslide sa harap mismo ng kanilang bahay. Hindi na rin umano kalayuan ang pagguho sa kanilang tirahan, habang ilang beses nang sinuri ng mga awtoridad ang kanilang bahay at sinabing unsafe na itong tirhan.
Nakita rin umano ang mga bitak sa loob ng kanilang tahanan.
Dahil dito, agad na lumikas ang kanilang pamilya at pansamantalang nanuluyan sa isang day care center. Kabilang sa mga evacuee ang ilang persons with disabilities o PWD at isang batang may severe malnutrition.
Aabot umano sa apat na pamilya o 18 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa lugar.
Ayon kay Gabino, nakatanggap naman sila ng ayuda, relief goods at mga gamot. Gayunman, nais sana nilang mabigyan ng relocation site dahil wala silang kakayahang umupa ng bahay.
Aniya, hindi na ligtas para sa kanila ang bumalik sa kanilang tahanan dahil sa patuloy na panganib dulot ng landslide.
Sa ngayon, pangunahing problema ng mga apektadong pamilya kung saan sila maaaring tuluyang manirahan habang nananatiling delikado ang kanilang lugar.










