Patuloy ang panawagan ng mga vendor sa Lion’s Head sa Baguio City na gawing parking area ang backfill area ng DPWH Region upang mas mapadali ang pagdating ng mga turista at mamimili sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Camp 7 Barangay Captain Angelina Ramos, naisumite na nila ang kahilingan sa Mayor’s Office at humingi na rin sila ng tulong kay Congressman Mauricio Domogan para maipabukas ang nasabing lugar sa publiko.
Gayunman, sinabi ni Ramos na pinag-aaralan pa ng DPWH-Cordillera kung ligtas at feasible na gawing parking area ang lugar.
Sa kasalukuyan, mahigit 20 vendors ang nakapuwesto sa Lion’s Head, bukod pa sa mga nagtitinda ng taho at ice cream.
Dagdag niya, mas dumarami ang mga nagtitinda tuwing may espesyal na okasyon dahil hindi naman umano buong araw ang kanilang paglalako.
Aminado rin si Ramos na kakaunti lamang ang bumibili lalo na kapag maulan kahit ngayong summer season, ngunit may mga turista pa ring dumadayo kumpara noong mataas ang presyo ng gasolina.










