Binuksan at binasbasan sa punong-himpilan ng 501st Infantry Brigade ng Philippine Army ang isang museong alay kay Maj. Luis F. Bersamin Sr., beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Matatagpuan sa kampong ipinangalan din sa kanya, tampok dito ang mga lumang larawan, memorabilia, at makasaysayang artefak na sumasalamin sa kanyang buhay at serbisyo, kabilang ang kanyang pagdanas sa Bataan Death March.
Mayroon ding Audio Visual Room na nagtatampok ng kanyang talambuhay, karerang militar, at pamana. Matapos ang digmaan, naglingkod din siya sa pamahalaan bilang gobernador ng Abra mula 1948 hanggang 1951.
Bahagi ng paggunita sa ika-112 anibersaryo ng kanyang kapanganakan ang pagbubukas ng museo, na sinabayan ng wreath-laying at dove-releasing ng Armed Forces of the Philippines. Dumalo ang pamilya Bersamin, mga opisyal, at mga tauhan ng militar, kung saan itinampok si dating Chief Justice Lucas P. Bersamin bilang panauhing pandangal.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pag-alala sa sakripisyo ng mga beterano bilang pamana para sa susunod na henerasyon.











