BAGUIO CITY – Hinihiling ng miyembro ng Baguio – Benguet Muslim Association sa gobyerno na ibalik nang ligtas ang iba pang mga Pilipinong lumahok sa Hajj pilgrimage ng mga Muslim sa Saudi Arabia.
Ito ay kasunod ng tinatayang aabot na 1,300 na indibidwal kabilang na ang isang Pilipino ang namatay dahil sa matinding init sa Hajj pilgrimage ng mga Muslim sa Saudi Arabia noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Farhan Monib, mula sa Baguio – Benguet Muslim Association, sinabi nito na kabilang sa mga nasawi na “lahi” ay mga Egyptian, Arabs at Nigerians.
Itinanggi rin ni Monib na hindi pinabayaan ng Saudi Arabian government ang naturang tradisyon dahil agad na rumesponde ang mga otoridad at dinala ang mga ito sa ospital.
Bukod sa sobrang init ng panahon, naniniwala si Monib na ito ay pagsubok galing sa kinikilala nilang Allah at karamihan sa mga lumahok ay matatanda na.
Kung maalala noong taong 2013, tatlong libo hanggang limang libong indibidwal ang namatay, mas mataas kaysa sa kasalukuyang bilang na dulot ng mainit na panahon.
Samantala, ang taunang Hajj pilgrimage sa Mecca, Saudi Arabia ay isa sa limang “haligi” o gawain ng Islam kung saan ang mga Muslim ay ipinag-uutos na lumahok sa seremonya kahit isang beses sa kanilang buhay hangga’t sila ay may kakayahang pisikal at pinansyal.