ATOK, Benguet — Pormal nang nagsimula ang isang buwang kasunduan sa pagitan ng mga magsasaka ng Atok at ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon para sa pagbili at paghahatid ng hindi bababa sa 122,000 kilo ng mga gulay para sa buwan ng Mayo.
Dumating na sa Quezon City ang unang delivery na may kabuuang 13,505 kilo ng mga produktong agrikultural, kabilang ang repolyo, wombok, sayote, kamatis, patatas, at broccoli.
Nagpahayag ng pasasalamat ang Atok team sa mga magsasaka, volunteers, at sa Quezon City LGU sa mabilis na pagtugon sa sitwasyon ng mga farmer. Pinasalamatan din nila ang Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office (SBCDPO) sa pangunguna ni Ms. Mona Celine Marie V. Yap, gayundin si Harvey Keh ng Jesse M. Robredo Foundation.
Nagbigay rin ng pasasalamat ang grupo kay Councilor Paul Mayos para sa ipinamahaging meryenda sa mga magsasaka.
Sa pamamagitan ng COSFARM, naipatupad ang patas na pagpepresyo ng mga produkto batay sa aktuwal na production cost ng mga magsasaka. Sagot naman ng Quezon City Government ang transportasyon, habang agad na natanggap ng mga magsasaka ang kanilang bayad matapos ang delivery at inspeksyon ng mga produkto.
Ayon sa Atok Office of Municipal Agriculture (OMAg), nakapagtala na ito ng kabuuang 388,850 kilo ng repolyo at 53,250 kilo ng wombok mula sa mga magsasakang nais sumali sa programa, bukod pa sa iba pang uri ng pananim.








