--Ads--

Sinusuri ngayon ng mga awtoridad at opisyal ng barangay ang mga CCTV camera na nakapuwesto sa pinangyarihan ng insidente ng natagpuang fetus sa Santan Alley, Central Fairview, Baguio City, kahapon pasado ala-una ng hapon, Abril 15, 2026.

Ayon kay Jeffrey Abance, barangay kagawad ng Barangay Fairview, nadiskubre na ang fetus ay isang lalaki na itinapon sa parking lot ng mga residente sa lugar.

Dagdag pa niya, pinaniniwalaang sinubukan itong ilibing ng hindi pa nakikilalang indibidwal, ngunit dahil matigas ang lupa ay iniwan na lamang ito. Natagpuan din ng mga awtoridad ang isang maliit na hukay malapit sa pinangyarihan.

Sinabi rin ng barangay kagawad na posibleng hindi taga-roon ang nag-iwan ng sanggol, dahil maliit lamang ang komunidad at minomonitor nila ang mga buntis sa lugar, at wala silang naitalang pagbubuntis kamakailan.

Ayon sa panayam sa mga residente sa lugar, unang napansin ang fetus nang makita ito ng isang aso, na tila may hinuhukay ngunit wala pang nakabalot na tela. Sa pangalawang pagkakataon na nakita ang aso, napansin na may puting tela na, at dito na natuklasan na isa pala itong fetus.

Ayon sa DOH/BHW, posibleng premature ang fetus.

Samantala, ayon sa mga residente, hindi lamang ang fetus kundi pati ang inunan o bahay-bata nito ang itinapon sa lugar.

Batay sa ulat ng pulisya, isang lalaki ang nagparada ng taxi matapos makaamoy ng mabahong amoy ngunit hindi ito pinansin. Isa pang lalaki naman, habang inaayos ang kanyang sasakyan, ay nakaamoy rin ng mabaho. Nang kanyang siyasatin ang isang puting t-shirt sa malapit, doon niya natuklasan ang fetus na nakabalot dito.

Ito na ang pangalawang pagkakataon sa termino nito na may naabandona o naiwang sanggol.

Nanawagan ang mga opisyal ng barangay sa publiko na kung mayroong anumang impormasyon kaugnay ng insidente, agad itong iulat sa kanila o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.

Samantala, inilibing din sa pampublikong sementeryo ang fetus sa araw ding iyon. | via Bombo Noveh Organo