--Ads--

Karaniwang naitatalang insidente sa BCPO Police Station 7 ang mga nawawalang gamit at theft incidents sa Central Business District o CBD.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Ergie Wanawan, Station Commander ng BCPO Station 7, sinabi niyang karamihan sa mga nawawalang gamit ay pag-aari ng mga turista, partikular ang mga bag at luggage na naiiwan sa loob ng taxi at bus.

Sa kasalukuyang buwan, wala pa umanong naitatalang insidente ng pagnanakaw sa kanilang nasasakupan.

Gayunman, patuloy ang kanilang pagbabantay laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagnanakaw, lalo na sa mga dati nang may rekord sa kanilang istasyon, upang maiwasan ang pag-ulit ng naturang krimen.

Ayon kay Wanawan, mas pinaiigting nila ang police visibility tuwing rush hour, partikular sa oras ng pagpasok at paglabas ng mga estudyante.

Nagdadagdag din sila ng mga tauhan sa mga lugar na maraming tao, gaya ng mga palengke, Session Road, Magsaysay Avenue at Harrison Road.

Patuloy din ang kanilang mga operasyon tulad ng Oplan Bakal Sita at pagpapatupad ng curfew hours sa Kayang Street, kung saan matatagpuan ang ilang establisimyentong nag-aalok ng inuming nakalalasing.

Saklaw ng BCPO Station 7 ang 16 na barangay, partikular sa Central Business District, maliban sa Burnham at Legarda.